March 2, 2015

Apila ni Arnel Magtoto

Kaso ni Mr. Arnel Magtoto, isang heavy equipment truck driver sa Dammam na aksidenteng nakapatay ng isang Egyptian national.

December 17, 2011 nang hindi sinasadyang naurungan ng malaking truck na minamaniobra ni Arnel ang kasamahan nito sa trabaho.  Agad itong namatay at agarang nakulong si Arnel ng araw din iyon.  Nangako naman ang kanilang kumpanyan (Nassir Bin Hazza Brother and Company na may mailing address na P.O Box 12 Rakah Al Khobar KSA 31952) na sa loob lamang ng tatlong araw lang hanggang isang linggo, aayusin ang lahat at makakalaya na si Arnel.

Higit tatlong taon na ang lumipas mula noon at kasalalukuyang nasa bilangguan pa rin si Arnel.  Inabot na ng iba’t ibang sakit at pagbaba ng pisikal na pangkalahatang kalusugan, subalit walang dumating na tulong mula sa kumpanya na napag-alaman wala ring ibinigay na insurance na ayon sa batas ng Saudi ay nakalaan sa bawat empleyado.  Hindi rin nagdulot ng inaasahang tuluyang paglaya ang pagsisikap sa pag-follow up ng anak nitong si Arlan, isang simpleng OFW rin na naka-base naman sa Jeddah. 

February 25, taong kasalukuyan, lumabas ang desisyon na nagpapataw ng halagang SR300,000 kapalit ng kalayaan ni Arnel.  Para sa isang simpleng manggagawa, ang desisyong ito ay katumbas na rin ng halos sentensya ng kamatayan. Papaano matutugunan ng mag-ama ang desisyon kung walang aasahang tulong mula sa kawani ng gobyerno na dapat sana’y mangangalinga sa mga mamamayan nito. 


Sa mga ganitong klaseng pagkakataon, ang nakatataas sa gobyerno na lamang natin ang may kapangyarihan upang makipag-usap upang mapagaan ang hatol kundi man mapawalan ng bisa ito.